Laro Bukas
(Ynares Sports Arena, Pasig City)
12 p.m. Café France vs Blackwater Sports
2 p.m. NLEX vs Cebuana Lhuillier
MANILA, Philippines - Umiskor ng 33 puntos ang Big Chill sa ikalawang yugto upang trangkuhan ang 88-68 panalo laban sa Erase Xfoliant para masolo ang ikalawang puwesto sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Emilio Aguinaldo College Gym.
Ang mga batikang guards na sina Terrence Romeo at Mar Villahermosa ay naghatid ng 21 at 19 puntos para pangunahan ang Super Chargers na tinapos ang dalawang dikit na pagkatalo tungo sa pagsulong sa 5-2 baraha.
“Mahalaga itong panalo dahil nakadikit kami uli sa NLEX,” wika ni Big Chill coach Robert Sison.
Solo sa ikalawang puwesto ang koponan dahil ginulat ng Jose Rizal University ang Cagayan Rising Suns sa 103-100 overtime panalo sa unang laro.
Naipasok ni Philip Paniamogan ang panablang tres sa regulation bago inangkin ni gunner John Villarias ang mahalagang tres sa extention na kung saan lumayo na ang Heavy Bombers.
May career-high na 26 puntos si Paniamogan para ibigay din sa tropa ni coach Vergel Meneses ang ikalawang panalo matapos ang anim na laro.
Nalaglag ang Suns na naghabol mula sa 24 puntos, sa 4-3 karta upang malagay sa ikalimang puwesto sa standings.