Palalakasin uli ng Cagayan Rising Suns at Big Chill ang paghahabol para sa awtomatikong puwesto sa semifinals sa pagharap sa magkaibang kalaban sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Emilio Aguinaldo College Gym.
May 4-2 karta ang Suns at Super Chargers ngunit kasalo nila sa mahalagang ikalawang puwesto ang pahingang Blackwater Sports at Café France.
Ang NLEX na nangunguna sa liga sa 8-1 baraha ang nakauna na sa semifinals.
“Dikit-dikit ang mga teams sa itaas kaya mahalagang sa amin ang makukuhang panalo,” wika ni Big Chill coach Robert Sison.
Kasukatan ng Super Chargers ang mapanganib na Erase Xfoliant sa alas-2 ng hapon matapos ang unang tagisan sa alas-12 ng tanghali kontra sa pagitan ng Cagayan at Jose Rizal University.
Galing sa dalawang dikit na pagkatalo ang Super Chargers kaya tiyak na pupukpok nang husto ang koponan para sa panalo.
Hindi naman basta-basta padadaig ang Erasers na may 2-4 baraha na gusto namang tapusin ang tatlong sunod na kabiguan.
Natalo ang Suns sa NLEX Road Warriors, 75-84, sa huling laro noong Disyembre 4 pero ang mahabang pahinga ay inaasahang ginamit ng koponan para mas mapaghandaan ang Heavy Bombers na may 1-4 baraha.