Rivera, Chan nagdomina sa Ming Ramos badminton

MANILA, Philippines - Tinalo nina Monica Arianne Rivera at Sean Chan ang kanilang mga karibal para makopo ang 19-Under crowns, habang sina Geero Pelegrina at Nicolette Santiago ang kumuha sa U-9 titles sa PBA Ming Ramos Victor Youth Non-Ranking Championships sa Jump Smash Badminton Court sa St. San Francisco Del Monte, Quezon City noong Linggo.

Giniba ni Rivera ng Team JB/Lining Academy si  Alizandra Candelaria ng Allied-Victor, 21-18, 21-16, para sa ladies crown.

Pinayukod naman ni Chan ng Team Prima si Glenn Remo ng ETC, 21-16, 21-17, upang ibulsa ang men’s title sa premier class ng event na diiana­daos bilang parangal kay Philippine Badminton Association honorary chairperson at dating First Lady Mrs. Amelita “Ming” Ramos at bilang bahagi ng Bagong Bida Grassroots Program ng PBA.

Inangkin din ni Rivera ang girls’ U-17 singles crown sa bisa ng kanyang 21-10, 21-17 panalo laban kay Mikaela Aquino.

Dinomina naman ni Santiago ng Babolat si Nicole Benito, 21-6, 21-6, para angkinin ang girls title sa event na may basbas nina PBA Vice President Jejomar Binay, chairman Manny V. Pangilinan at sec-gen Rep. Albee Benitez.

 

Show comments