Babawi ang Petron Blaze
MANILA, Philippines - Disappointing na maituturing ang naging resulta ng kampanya ng Petron Blaze sa 2012-13 PBA Philippine Cup kung saan hanggang sa quarterfinal round lang ang inabot ng Boosters.
Natalo sila sa San Mig Coffee, 92-87, noong Huwebes upang tuluyang magbakasyon.
Pumasok ang Petron Blaze sa quarterfinals nang may taglay na disadvantage. Dahil sa pang pito silang nagtapos sa elims ay nakatapat nila ang No. 2 team na may ‘twice-to-beat’ advantage. Bale 0-1 kaagad sila pagpasok sa laro noong Huwebes. Kailangan nilang manalo upang makapuwersa ng sudden-death match.
Well, nahatak naman nila sa overtime ang San Mig Coffee nang magtabla ang score ng laro sa 79-all sa pagtatapos ng regulation play. Pero hanggang doon na lang ang nagawa nila.
Biruin mong 12 days pa bago mag-Pasko ay Christmas vacation na nila. Kung estudyante sila, malamang na nagbunyi ang Boosters. No classes!
Pero hindi naman sila estudyante, eh. Kaya malungkot ang kanilang bakasyon.
Sa totoo lang, sa umpisa pa lang ng kampanya ay nagkawindang-windang na kaagad ang simula ng Petron Blaze.
Sayang. Kasi nga’y napakataas ng expectations sa kanila ng mga sumusubaybay sa PBA.
Nakuha ng Boosters ang sentrong si June Mar Fajardo bilang No. 1 pick sa Rookie Draft. Naidagdag pa ang No. 3 pick na si Alex Mallari.
Biruin mo iyon! Dalawa sa top three picks ay nakuha ng Boosters! Sino ba naman ang hindi maririndi at kakabahan?
Kaya nga parang napakasuwerte ni Olsen Racela na nailuklok bilang bagong head coach ng Petron Blaze. Ang lakas ng kanyang line-up.
Ang siste’y hindi kaagad nailagay ang sistema ni Racela. Hindi kaagad niya nahawakan nang husto ang renda ng kanyang koponan dahil sa napakialaman siya ng dating national coach na si Rajko Toroman na itinoka bilang assistant coach niya. O consultant?
Kitang-kita sa mga unang laro ng Boosters na si Toroman ang tumatayo, sumisigaw, dumidiskarte, humahawak ng white board, nagkokrokis ng play.
Hinayaan lamang siya ni Racela. Pero napundi ang mga manlalaro ni Racela dahil sa pati yata lifestyle nila ay napakialaman ni Toroman.
To make a long story short, nasibak si Toroman. At nahawakan ni Racela nang buo ang Petron.
Ang problema naman ay nagtamo ng injury si Fajardo at matagal na na-miss ng Boosters. Bukod kay Fajardo ay nagtamo rin ng injuries sina Danilo Ildefonso at Dorian Peña.
Aba’y tatlong frontliners ito. Paano pa makikipaglaban ang Boosters sa frontline ng ibang koponan?
Bukod dito’y late na rin napakinabangan si Marcio Lassiter na nagbalik din buhat sa injury.
Aba’y imbes na mamayagpag ang Boosters, hayun at pumang pito nga sila sa pagtatapos ang elims.
Kung tutuusin ay suwerte pa nga sila’t pumasok sila sa quarterfinals sa kabila ng mga problemang sinuong nila.
Well, learning experience ito para kay Racela.
- Latest