MANILA, Philippines - Tatlong silver at isang bronze medal pa ang napanalunan ng Team UAAP-Philippines sa 16th ASEAN University Games sa Vientiane, Laos.
Sina javelin thrower Evalyn Palabrica at mga taekwondo jins Paul Romero at Gio de Dios ang mga naghatid ng pilak, habang si national trackster at kasapi ng FEU champion team na si Josie Malacad ang nanalo ng bronze medal sa women’s 400-meter run.
Si Romero ay natalo kay Soneay Mangkueue ng Laos, 4-8, sa men’s bantamweight, habang si De Dios ay dinurog ni Chodsuthan Chanteerawong ng Thailand, 1-9.
Naorasan si Malacad ng 56.92 segundo sa women’s 400m run sa ilalim nina Vietnamese runners Nguyen Thi Thuy (55.18) at Nguyen Thi Huyen (56.34).
Naunang kumubra ng ginto ang Pilipinas sa pamamagitan nina Christian Al dela Cruz at Ernest John Mendoza sa men’s taekwondo para malagay ang pambansang delegasyon sa ikaanim na puwesto.