MANILA, Philippines - Binati ni Pangulong Benigno Aquino III si Nonito Donaire Jr. sa kanyang panalo para maidepensa ang kanyang WBO superbantamweight belt laban kay Jorge Arce ng Mexico.
“Sampu ng sambayanang Pilipino, buong-karangalan nating binabati si Nonito Donaire, Jr. sa kanyang matagumpay na pagdepensa sa kanyang WBO super bantamweight belt sa pamamagitan ng third round knockout laban kay Jorge Arce ng Mexico,” ani Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Muli na namang ipinakita ni ‘The Filipino Flash’ ang kanyang husay sa loob ng ring at ibinandera sa buong mundo ang tibay at lakas ng Pilipino.
“Sumasalamin ang tagumpay na ito sa kakayahan ng lahing kayumanggi na harapin at patumbahin ang anumang pagsubok na ating kakaharapin,” ani Lacierda.