MANILA, Philippines - Hindi pa rin nagbabago ang tikas ng laro ng nagdedepensang kampeon na University of Perpetual Help sa 88th NCAA volleyball na kahapon ay nagdaos ng laro sa The Arena sa San Juan City.
Nagtambal sa kabuuang 39 puntos ang mga pambatong sina Honey Royse Tubino, Sandra delos Santos at April Anne Sartin upang ibigay sa Lady Altas ang 25-14, 25-16, 25-21, panalo laban sa Lyceum sa women’s division.
Kinapos lamang ng isang minuto ang laban para umabot ng isang oras at ang magkasunod na kills nina Sartin at Norie Jane Diaz ang tumapos sa pagsusumikap ng Lady Pirates na makatikim ng isang set na panalo tungo sa 3-0 sweep ng Perpetual.
May 11 kills at 2 blocks si Tubino, 9 attack points ang hatid ni Sartin habang apat na service aces at dalawang blocks ang naibigay ni Delos Santos at ang Lady Altas ay umabante sa 4-0 at 18-0 kung isasama ang sweep tungo sa kampeonato noong nakaraang taon.
Ito ang ikaapat na sunod na pagkatalo ng Lady Pirates na humugot lamang ng puntos sa limang manlalaro sa pangunguna ni Analee Paredes sa kanyang pitong puntos.
Isa sa naitalang 14 puntos ang nangyari sa kills para kay Jay Dela Cruz upang bitbitin ang Altas sa kanilang ikaapat na sunod na panalo sa 25-18, 25-19, 25-19, panalo sa Pirates.
May 13 puntos si Edmar Sanchez, 11 ang ibinigay ni Adam Daquer, tampok ang 5 blocks, habang 10 ang kay Ralph Savellano para maipagpatuloy ng Altas ang hindi pagbibigay ng set win matapos ang apat na nakatunggali.
Sinungkit naman ng 22-time women’s champion San Sebastian ang ikalawang panalo matapos ang tatlong laro sa pamamagitan ng 25-11, 25-15, 25-17, panalo sa Mapua na tumagal lamang ng 46 minuto.
Nakumpleto ang pamamayagpag ng Baste nang humataw ang Stags ng 25-20, 25-18, 25-19, tagumpay sa men’s division.