MANILA, Philippines - Isang araw bago ang kanilang laban ay sasailalim sina world unified super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at Mexican challenger Jorge Arce sa official weigh-in ngayon sa PlazAmericas Mall sa Houston, Texas.
Kumpiyansa si Arce na pareho silang makakapasa ni Donaire sa weight limit na 122 pounds para sa kanilang sagupaan bukas (Manila time) sa Toyota Center sa Houston, Texas.
“We are now in the range of 122 pounds and without a hitch we will make the super bantamweight limit,” sabi ng 33-anyos na si Arce sa kanyang paghahamon sa 30-anyos na si Donaire.
Itataya ni Donaire (30-1-0, 19 KOs) ang kanyang hawak na WBO super bantamweight title laban kay Arce (60-6-2, 46 KOs) bukod pa sa nakalatag na WBC Diamond super bantamweight belt.
“We will bring a lot of strength, explosiveness and my physical condition will be like it’s never been before. I am eager to be in the ring against Donaire,” sabi ni Arce, nanggaling sa unanimous decision win kontra kay Mauricio Martinez sa isang 10-round, non-title fight noong Setyembre 22.
Tatlong malalaking panalo ang kinuha ni Donaire, tubong Talibon, Bohol at ngayon ay nakabase sa San Leandro, California, ngayong taon.
Ang kanyang mga tinalo niya ay sina Wilfredo Vazquez, Jr. Jeffrey Mathebula at Toshiaki Nishioka.
Hangad naman ni Arce na maduplika ang sixth-round KO victory ni Juan Manuel Marquez kay Manny Pacquiao noong nakaraang Linggo sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.