OKLAHOMA CITY--Umiskor si Kevin Durant ng 35 points para tulungan ang Oklahoma City Thunder sa 92-88 panalo kontra sa New Orleans Hornets at idiretso sa siyam ang kanilang winning streak.
Matapos maiwanan ang Thunder ng Hornets ng 11 points sa dulo ng third quarter, ipinasok ni Oklahoma City coach Scott Brooks ang kanyang mga maliliit at mabibilis na mga players, kasama dito sina Reggie Jackson at backup point guard Eric Maynor, Kevin Martin at Durant.
Isang 7-0 run ang ginawa ng grupo para isara ang naturang yugto kasunod ang isang 9-2 atake na tinampukan ng slam dunk ni Durant para ibigay sa Thunder ang 67-64 kalamangan.
Tumapos si Jackson, ibinabad sa fourth quarter, ng may 5 points para sa kanyang unang laro mula noong Disyembre 1 laban sa New Orleans at kanyang pang 11th appearance para sa Thunder sa 22 laro ngayong season.
Naglaro si Jackson sa NBA Developmental League para sa Tulsa 66ers.
‘’You’ve just got to stay ready,’’ sabi ni Jackson. ‘’Of course it’s tough, but once you get out there, especially in this atmosphere, it’s easy to get going.’’
Dahil sa panalo, dinuplika ng Thunder ang kanilang second-best start sa kanilang franchise history sa 18-4.
Binuksan ng Seattle SuperSonics ang 1993-94 season sa 20-2 record at sinimulan ng Thunder ang nakaraang season sa 18-4.
Ito ang pangatlong panalo ng Thunder laban sa Hornets.
Umiskor si Brian Roberts ng 16 points para pamunuan ang New Orleans, nalasap ang kanilang pang limang sunod na kamalasan.