Win No. 2 pag-aagawan ng 4 teams sa UAAP women’s volley
MANILA, Philippines - Agawan sa ikalawang panalo ang nakataya sa apat na koponan sa pagpapatuloy ng 75th UAAP women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Mangunguna rito ang two-time defending champion La Salle na susukatin ang FEU na ang laro ay gagawin matapos ang UP at Adamson sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ang apat na nabanggit na koponang ito ay parehong may 1-1 baraha at ang mananalo ay makakasalo sa ikalawang puwesto na hawak ng host National University.
Balikatan ang inaasahang mangyayari sa pagitan ng Lady Archers at Lady Tamaraws na parehong nakabangon mula sa unang pagkatalo sa huling asignatura.
Pinataob ng La Salle ang Adamson, 26-24, 25-19, 25-18, habang ang FEU ay nangibabaw sa UP, 25-14, 25-14, 27-25.
Unahan sa pagbangon ang mangyayari sa hanay ng Lady Falcons at Lady Maroons sa kanilang tagisan.
Ang mabibigo sa larong ito ay makakasalo ng UST sa 1-2 baraha.
- Latest