LINGAYEN, Pangasinan, Philippines--Halos nayanig ang mga Pangasinense na nakasaksi sa nalasap na pagkatalo ng Filipino boxing legend na si Manny Pacquiao na pinatulog ni Mexican rival Juan Manuel Marquez sa kanilang laban sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Pinanood ng mga Pangasinense ang laban sa pagitan ng dalawang greatest fighters at sila ay labis na nalungkot nang si Pacman ay bumagsak padapa sa lona matapos tamaan ni Juan Ma ng solidong kanan sa baba.
Ang naturang libreng palabas ay inihandog ng mga practical shooters, police officers na lumahok sa Invitational Shooting Competition (PPSA Level I sanctioned match) kung saan naging punong abala ang Pangasinan PNP Firing Range dito sa Pangasinan na sinamantala rin ng mga range officers para panoorin ang nabanggit na laban ng dalawang mahuhusay na fighters sa malaking TV screen.
Bagamat natalo, bilib pa rin ang mga Filipinos kay Pacquiao sa ipinakitang tapang.
“Kay Pacquiao pa rin ako,” pahayag ng isang tagahanga na nanood sa nasabing big screen.