LAS VEGAS--Kumbinsido man ang kanyang naging panalo, hindi naman maiaalis na magkaroon ng pagdududa sa klase ng pagsasanay na ginawa ni Juan Manuel Marquez para mapaghandaan ang tagisan nila ni Manny Pacquiao na nangyari kahapon sa MGM Grand Arena dito.
Umiskor si Marquez ng kagulat-gulat na 6th round knockout na panalo kay Pacquiao na tunay na nasaktan matapos salubungin ang counter-right ng Mexican fighter.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na nagsukatan ang dalawa sa ring pero sa naunang tatlong laban, hindi nakita ang ganitong lakas sa 39-anyos na si Marquez bagkus siya pa ang palaging tumutumba sa mga kamao ni Pacman.
Dalawang beses na tumumba si Pacquiao sa laban at ito ay nanggaling sa isang suntok lamang ni Marquez sa ikatlo at ikaanim na rounds.
Para sa labang ito ay kinuha ni Marquez ang kontrobersyal na strength at conditioning coach na si Angel Hernandez na dating kilala bilang si Memo Heredia. Si Heredia ay nasangkot sa pagbibigay ng mga performance-enhancing drugs kina track stars Marion Jones at Tim Montgomery.
Lumaki ang pangangatawan ni Marquez sa paggabay ni Hernandez at napuna rin ito ng trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach.
Nagpahayag si Roach ng pagdududa sa biglaang paglaki ng katawan ni Marquez lalo na noong tumimbang lamang ang boksingero ng 143 pounds sa weigh-in na isang pound lang na mas mataas sa kanyang itinimbang sa ikatlong tagisan noong 2011.
Sinabi na ni Marquez na wala siyang ginamit na ilegal na droga o PED drugs sa pagsasanay at handa niyang patunayan ito sa pagsumite sa sarili sa mga drug testing.
Ngunit ayon sa manunulat ng Las Vegas Review Journal na si Ed Graney hindi fool-proof ang testing na isinasagawa para rito.
“A big problem with that theory--any protocol Marquez might have used to prepare for the fight would have been stopped by now and his system cleared of such substances,” wika ni Graney.
Pinuna rin niya ang mga ipinagawang pagbubuhat ng weights o mga pagsasanay na hindi ginagawa ng isang boksingero lalo na ang isang may edad na boxer tulad ng 39-anyos na si Marquez.