Lady Tams pinigil ang Maroons sa 75th UAAP women’s volley
MANILA, Philippines - Agad na ibinalik sa lupa ng FEU ang naunang nasa alapaap na University of the Philippines nang kunin ang 25-14, 25-14, 27-25, panalo sa 75th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May anim na service aces si Rosemarie Vargas at ang huli ang tumapos sa inspiradong laro ng Lady Maroons sa third set upang makumpleto ng Lady Tamaraws ang sweep sa labanang tumagal sa loob ng isang oras at 11 minuto.
Ibinandera ni Wenneth Eulalio ang FEU sa kanyang 19 puntos na kinatampukan ng 16 hits habang 17 ang ibinigay pa ni Vargas, kabilang ang 10 kills.
Kontrolado ng Lady Tams ang kabuuan ng labanan dahil hawak nila ang 45-18 bentahe sa attack points, may 6-2 bentahe sa blocks at 9-4 sa service ace.
Ang panalo ay nagbangon sa FEU mula sa limang set na pagyukod sa Ateneo habang naunsiyami ang hanap ng Lady Maroons na makadalawang sunod na tagumpay matapos wakasan ang 16-game losing streak sa 5-setter sa UE sa unang asignatura.
Malamya ang naipakitang laban ng UP at si Princess Mae Se ang nanguna sa atake taglay lamang ang anim na puntos.
Sa ikatlong set nagising ang UP at naitabla ang laro sa 25-all. Ngunit nakitaan ng error ang Lady Maroons sa opensa bago naging malamya ang reception sa serve ni Vargas para matapos ang tagisan.
Samantala, hindi pa rin napipigil ang dominasyon ng FEU sa larangan ng athletics nang kunin ang men’s at women’s titles na nagtapos noong Biyernes sa Philsports field.
Kumulekta ng maningning na 390 puntos ang Tamaraws at Lady Tamaraws ay nakapagpundar ng mas matinding 534 puntos upang sa ikatlong sunod na taon ay double champion ang FEU sa athletics.
Ito rin ang ika-21 titulo sa kalalakihan ng paaralan at nanguna sa koponan si Jesson Ramil Cid na nasa kanyang huling taon.
Nakita ang bangis ni Cid nang manalo ng apat na individual gold 100m (10.89 segundo), 200m (21.82 segundo), 400m (49.24 segund), at long jump (6.87m) bukod pa sa 4x100m relay gold para hirangin bilang Most Valuable Player sa kalalakihan.
Hindi nagpahuli si Dalyn Carmen na kuminang sa women’s 10,000m sa 40:58.62) at 3000m steeplechase sa bagong UAAP record na 11:43.04 para sa women’s team na kinubra ang ika-23 titulo sa liga.
- Latest