ILOILO CITY , Philippines --Kung may 12 gintong medalya ang Quezon City sa swimming, winalis naman ng Northern Luzon ang lahat ng nakatayang 14 gold medals sa archery event sa PSC-POC Batang Pinoy 2012 National Finals kahapon sa La Paz Plaza football field.
Pumana ng tig-limang gintong medalya ang pambato ng Baguio City na si Kareek Meer Hongitan at May Queen Ybanez ng San Fernando City, La Union upang pamunuan ang Northern Luzon.
Nanalo si Hongitan sa cadet girls’ 30-meter, 40-meter, 50-meter, 60-meter at single fita, habang nanaig si Ybanez sa cub girls’ 20-meter, 30-meter, 40-meter, 50-meter at single fita events.
Sa swimming, nilangoy nina Raissa Regatta Gavino, Kirsten Chloe Daos at Jeremy Brian Lim ang kani-kanilang pang apat na gintong medalya para sa kabuuang 12 ng Quezon City.
Sa athletics, kumuha ng apat na ginto si Mary Anthony Diesto ng Bacolod City galing sa girls’ 14-15 100-meter dash, long jump, triple jump at nakasama sa 4x100m relay team.
Sa triathlon, nanaig sina Magali Echauz ng Makati City at Sixto Lalanto ng Cagayan De Oro City sa kani-kanilang 250-meter swim-5-kilometer bike-1.2-kilometer run event mula sa itinalang mga oras na 20:28.00 at 17:57.28, ayon sa pagkakasunod.
Sa boxing, anim na atleta ang umabante sa semis para sa Mandaue City, habang may lima ang Pagsanjan, tig-apat ang Carmen at Panabo City at may tig-tatlo ang Mandaluyong at Leyte.
Sa boy’s 3-on-3 basketball, tinalo ng Pangasinan ang Zamboanga, 18-16, at giniba ng Sta. Rosa ang Iloilo, 15-9, para kunin ang gold medal sa boy’s at girls’ division, ayon sa pagkakasunod