MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni team manager Dan Palami na walang kumpiyansang makikita sa mga kasapi ng Azkals sa pagharap sa Singapore sa pagbubukas ng 2012 AFF Suzuki Cup semifinals ngayong gabi sa Rizal Memorial Football field.
Sa press conference kahapon na ginawa sa Manila Hotel, binanggit ni Palami na hindi maaring isipin na madaling kalaban ang Lions base sa mga panalo na naitala noong Setyembre 7 sa Singapore at Nobyembre 15 sa Cebu sa mga iskor na 2-0 at 1-0.
“We won our two matches but the last time, we were just lucky to escape with a 1-0 win,” wika ni Palami na nakasama si Singaporean coach Radojko Avramovic sa pulong pambalitaan.
“We look at this as a 180-minute match and we will not be complacent,” dagdag nito.
Inspirasyon din ng Azkals ani ni Palami, ang kagandahang maibibigay sa Philippine football kung manalo sila sa Singapore na kampeon ng Cup noong 1998, 2004 at 2006.
Nakarating uli sa semis ang Azkals matapos ang 2-1 karta sa Group A elimination na nilaro sa Bangkok, Thailand.
Natalo ang Pilipinas sa Thailand, 1-2, pero bumangon sa Vietnam, 1-0, bago kinuha ang puwesto sa semifinals sa 2-0 dominasyon sa Myanmar para malagay bilang number two team sa grupo na dinomina ng Thailand sa 3-0 karta.
Pero kakaiba ang taong ito dahil may makakapaglaro sa sariling lugar ang Azkals bagay na hindi nangyari noong 2010 dahil sa Indonesia idinaos ang dalawang laban tungo sa 2-0 sweep sa home-and-away semis.
Ang mga manlalarong nakatulong para makapasok sa semis ang Azkals ay magsasama-sama uli sa pangunguna nina Phil Younghusband, Chieffy Caligdong Angel Guirado, Dennis Cagara at goal keeper Ed Sacapano.
Hindi din natitinag si Avramovic sa kanilang tsansa at hindi iniisip ang makahirit lamang ng tabla kundi pakay nila ang makuha ang kumbinsidong panalo.
“We prefer to win,” wika ni Avramovic na siyang coach noong nanaig ang Lions sa 2004 at 2006.
Number one team ang Singapore sa Group B sa dalawang panalo at isang tabla.