MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang pag-ani ng atensyon ng batang boksingero na si Jade Bornea upang patuloy na kumikinang ang laban ng Pilipinas sa 2012 AIBA World Youth Championships sa Karen Demirchyan Sports and Concerts Complex sa Yerevan, Armenia.
Walang takot na hinarap ng 17-anyos at tubong South Cotabato na si Bornea ang British Championships gold medalist na si Jack Bateson at kanyang pinaulanan ito ng suntok tungo sa 16-12 panalo sa quarterfinal round ng prestihiyosong torneo sa boxing.
Hindi binigyan ni Bornea ng puwang ang British boxer na magkaroon ng kumpiyansa dahil nangibabaw siya sa tatlong rounds na pinaglabanan sa 4-3, 6-5 at 6-4 iskor, upang angkinin na rin ang bronze medal sa light flyweight division.
Nasa semifinals na si Bornea at puwede pa niyang ibahin ang kulay ng medalyang napanalunan kung tatalunin si Murodjon Akhmadaliev ng Uzbekistan.
Si Akhmadaliev ay pumasok din sa semifinals bitbit ang kumbinsidong 24-14 panalo laban kay Gandulam Mungun-Erdene ng Mongolia.
Ang panalong ito ni Bornea ang pumawi sa 12-19 pagyukod ni flyweight Ian Clark Bautista kay Kurt Walker ng Ireland para mamaalam na sa torneo.
Tatlong malilinaw na suntok ang pinakawalan ni Walker para hawakan ang 6-3 kalamangan matapos ang first round.
Mula rito ay hindi na nakuha pa ni Bautista ang tunay na laro at nawalan na ng kumpiyansa matapos ang second round na dinomina pa rin ng katunggali, 6-4, tungo sa 12-7 bentahe.
Bukod kay Bautista ay pahinga na sina Felix Eumir Marcial at Jonas Bacho.
Pahinga ang mga boksingero noong Miyerkules at tiyak na gagamitin ng kampo ni Bornea ang bagay na ito para mas mapag-aralan ang istilo ng 18-anyos na si Akhmadaliev para matalo ito.