MANILA, Philippines - Magkaibang sitwasyon ang kinakaharap ng AFF Suzuki Cup semifinalists Philippine Azkals at Singapore Lions hinggil sa kanilang mga players para sa first leg sa Sabado sa Rizal Memorial Football Stadium.
Nakatanggap ang Azkals ng komunikasyon mula sa 3. Fußball-Liga side Karlsruher SC at Indian League club Salgaocar FC na ipinapahiram nila sa Azkals sina Fil-Danish defender Dennis Cagara at Fil-Spanish Angel Guirado, ayon sa pagkakasunod.
“It will be important to have a near full-strength team against a strong team like Singapore,” ani Azkals team manager Dan Palami. “Dennis is an experienced player at the back and he will surely boost our defense while Angel provides us with the spark, especially in counter-attacks.”
Hindi naman makakalaro si Fil-Danish Jerry Lucena dahil may laro din sa Sabado ang kanyang koponang Esbjerg fB sa Danish Superlig.
Ngunit umaasa ang Azkals na makakalaro siya sa second leg sa Disyembre 12 sa Singapore.
Sa panig ng Lions, hindi naman makakalaro sina Chinese-born winger Shi Jiayi at midfielder Hariss Harun.
Si Shi, isang naturalized player at naglaro sa tatlong laban ng Singapore sa group stages, ay nagbalik sa Shanghai para sa isang family emergency, ayon sa AFF Suzuki Cup’s official website.