May babagsak sa Pacquiao-Marquez fight - Fortune
LOS ANGELES--Isa lamang kina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez ang babagsak.
Ito ang inaasahan ni boxing trainer Justin Fortune hinggil sa sinasabi niyang 50-50 tsansa nina Pacquiao at Marquez na mapatumba ang isa’t isa.
Ang 47-anyos na si Fortune ay naging strength and conditioning coach ni Pacquiao at nakatuwang si trainer Freddie Roach sa loob ng anim na taon.
Huling nakita si Fortune sa corner ni Pacquiao noong 2007 nang patumbahin ni ‘Pacman’ si Mexican Jorge Solis sa San Antonio.
Nagkagalit sina Fortune si Roach dahil sa usapin sa pera.
Kasalukuyang pinapamahalaan ni Fortune ang sarili niyang boxing gym sa Sunset Boulevard, halos 15 minuto ang layo sa Wild Card Gym ni Roach.
Ikinalungkot ni Fortune ang tsismis na nagkakagulo sa loob ng Team Pacquiao.
“I heard he’s got a chaotic corner, guys not liking each other,” wika ni Fortune.
Inilarawan naman ni Fortune si Marquez bilang isang ‘consummate boxer.’
“He can get hurt but he’s able to rally,” ani Fortune.
Kamakailan ay nakita si Fortune sa corner ni Filipino Drian Francisco nang patumbahin nito si Mexican Javier Gallo sa fifth round sa Los Angeles Sports Arena.
- Latest