OAKLAND, Calif. -- Matapos talunin ang Los Angeles Lakers at ang dati nilang superstar na si Dwight Howard, giniba naman ng Orlando Magic ang Golden State Warriors, 102-94.
Umiskor sina Glen Davis at Aaron Afflalo ng tig-24 points para sa ikalawang sunod na panalo ng Magic.
Tumipa ang Orlando ng 33 points sa kabuuan ng fourth quarter kumpara sa 25 ng Golden State para makalayo.
Humugot si J.J. Redick ng 10 sa kanyang 22 points sa final period, habang nagposte si Nikola Vucevic ng 14 points at 15 rebounds.
Gumawa si Stephen Curry ng 25 points at 11 assists at may 22 points si David Lee para sa Warriors, napigil ang three-game winning streak sa ilalim ni coach Mark Jackson.
Sa Salt Lake City, umiskor si Blake Griffin ng 30 points, habang nagdagdag ng 20 si Jamal Crawford mula sa bench para tulungan ang Los Angeles Clippers sa 105-104 panalo kontra sa Utah Jazz .
Ito ang unang kabiguan ng Jazz sa kanilang tahanan ngayong season.
Nagsalpak si Crawford ng dalawang free throws sa dulo ng fourth quarter, habang tumipa si dating Clipper Randy Foye ng isang 3-pointer sa natitirang 1.2 segundo para sa Jazz.