MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang desisyon ng 35-anyos na si Janet Agura na sumagupa sa international division nang angkinin ang ikalawang puwesto sa kababaihan sa 4th Quezon City International Marathon kahapon sa Quezon Memorial Circle.
Ang mga local runners sa 42.195-kilometrong karera na inorganisa ng RUNNEX at suportado ng Quezon City Government at SM Development Corporation (SMDC) ay maaaring makapamili kung sa international o local category sila kakarera at si Agura ay nagdesisyon na makipagsukatan sa mga bigating Kenyan runners.
“Nakaharap ko na ang mga Kenyan runners at nanalo na ako sa maigsing distance. Pero ito ang unang pagkakataon na sa marathon kami naglaban at ginusto ko na dito sumali para makita ko ang kakayahan ko,” wika ni Agura, athletics coach ng La Salle Lipa.
Napahirapan pa si Agura dahil naligaw siya pagpasok sa UP upang humaba ng halos apat na kilometro ang tinahak na distansya.
Ngunit ang masidhing determinasyon ang nagtulak sa kanya para habulin si Patroder Kembol para sa ikalawang puwesto.
“Wala akong ginawa kundi ang maghabol nang maghabol. Kaya noong nakuha ko ang kalamangan at nakuha ang second place ay masaya ako dahil talagang pinaghirapan ko ito,” wika ni Agura na nagtala ng tiyempong 3:33:37.
Anim na minuto ang inilayo ng Filipina runner kay Kembol na may 3:39:59, habang ang unang puwesto ay nasungkit ni Everline Nyamu Atancha sa 3:00:28.
Halagang P75,000, P50,000 at P30,000 ang napanalunan ng top three finishers at ang perang napanalunan ay itatabi ni Agura para maipantustos sa pag-aaral ng apat na anak.
Sina Kiptalam Kimuge, Geofrey Birgen at Philip Ronoh ang nalagay sa unang tatlong puwesto sa 2:31, 2:31:04 at 2:38:46.
Sina Elmer Sabal at Luisa Raterta ang hinirang na mga kampeon sa local divison sa naisumiteng 2:42:47 at 3:25:31, ayon sa pagkakasunod.
Ginusto ni Raterta na tumakbo sa local para makuha ang premyong P30,000.