UAAP season 75th women’s volley: Lady Falcons nakauna

Laro ngayon

(Filoil Flying V Arena)

9 a.m. UE vs UP (M)

10:30 a.m. UST vs DLSU (M)

2 p.m. UP vs UE (W)

3:30 p.m. DLSU vs UST (W)

 

MANILA, Philippines - Gumana ang betera­nang si Pau Soriano sa ma­halagang fifth set upang tulungan ang Adamson sa 15-25, 25-21, 25-22,18-25, 15-10, panalo sa National University sa pagbubukas ng 75th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Tumapos si Soriano taglay ang 21 puntos, ka­sama ang 4 blocks at ang kanyang mga hits sa deci­ding fifth set ang nagba­ngon sa koponan mula sa 4-8 iskor.

May 12 hits si Sheila Pineda habang 10 pa ang ibinigay ni Amanda Villa­nueva at ang Lady Falcons ay nakauna sa standings.

“Nandoon na ang laro ni  Pau. Pero ang maganda sa kanya ay ang ipinakita niyang leadership. Ito ang kailangan din ng team,” wika ni Sherwin Meneses na siyang humalili sa puwesto ni Dulce Pante na nagbitiw na bilang head coach sa season na ito.

Magarang pagbabalik din ang naitala ni Dindin Santiago para sa Lady Bull­dogs sa kanyang 23 puntos na kinatampukan ng anim na service aces.

Pero kinulang ang suporta kay Santiago na da­ting kamador ng UST at naupo sa huling dalawang season upang silbihan ang eligibility rules ng liga.

Sa pangunguna ni Santiago ay nakaangat agad ang host NU ngunit nag-adjust sa depensa ang Adamson para kunin ang sumunod na dalawang set.

Ang pagkatalo ng Lady Bulldogs ay pinawi ng ka­nilang men’s team na umani ng 25-19, 25-23, 22-25, 25-18, panalo sa Ateneo.

Show comments