MANILA, Philippines - Hindi na naiangat pa ni Krizziah Tabora ang ipinakikitang laro sa 48th Qubica/AMF Bowling World Cup international finals para mamaalam na sa torneong nilalaro sa SkyBowling Center sa Wroclaw, Poland.
Nagtala si Tabora ng 2911 pinfalls matapos ang 28-game para sa 211.64 average.
Walong games ang hinarap ng 24 lady bowlers na umusad mula sa qualifying round pero ang marka ni Tabora ay sapat lang para malagay siya sa ika-14th spot sa pangkalahatan.
Ang walong bowlers matapos ang walong laro ang umabante sa quarters.
Bago si Tabora ay namaalam na ang dating Busan Asiad gold medalist RJ Bautista nang nalagay lamang sa ika-31st puwesto katabla si Mohammed H. Alnajrani ng Saudi Arabia.
Ang Singaporean bowler na si Shayna Ng ang siyang nasa unahan sa naitalang 6491 matapos ang 28-games para sa mainit na 231.82 average habang nakasunod sina Kristen Penny ng England at two-time champion Aumi Guerra ng Dominican Republic sa 6463 at 6442.
Ang nalalabing bowlers ay magtatagisan sa isa pang eight-game round robin series na may kaakibat na bonus points upang malaman ang tatlong bowlers na maglalaban-laban sa semifinals at finals.