Maagang paghahanda sa Rio nais nang simulan ni Peping

MANILA, Philippines - Nais ni Jose Cojuangco Jr. na maging kabuluhan ang pagbibigay uli sa kanya ng pagkakataon na pangunahan ang Philippine Olympic Committee (POC).

Lumabas na majority president pa rin si Cojuangco nang makuha ang 32 boto mula sa 43 voting members sa idinaos na POC election noong Biyernes sa Alabang Country Club.

Inihayag ni Cojuangco na nasa ikatlong sunod na termino, na ito na ang kanyang huling pag-upo sa pinakamataas na puwesto kaya’t pagsisikapan niya na makamit ang mga resultang nais ng mga nasasakupan sa larangan ng palakasan.

Tampok na layunin niya ay ang makakuha ng medalya sa 2016 Rio de Janiero Olympics na kung saan masasabay ang pagtapos ng kanilang termino.

Maagang paghahanda ang nakikita ni Cojuangco para maabot ito at naniniwala siyang hindi na rin magiging problema ang pondo dahil sa magandang pakikipag-ugnayan sa Philippine Sports Commission.

Tinuran din niya na hindi niya gagawin ito ng mag-isa kundi pakikilusin ang lahat ng mga kasapi ng board na bibigyan niya ng kanilang mga trabaho.

Ang mga makakasama niya na maglalagay ng rutang tatahakin ng Philippine Sports sa susunod na apat na taon ay sina Tom Carrasco Jr. (chairman), Joey Romasanta (1st VP), Jeff Tamayo (2nd VP), Julian Camacho (treasurer), Prospero Pichay (auditor) at sina Dave Carter, Jonnie Go, Cynthia Carrion at Ernesto Echauz bilang mga board members.

 

Show comments