6-dikit na panalo sinagasaan ng NLEX
MANILA, Philippines - Selyado pa rin ng NLEX ang pagiging paboritong team sa idinadaos na PBA D-League Aspirants’ Cup.
Sa unang pagkikita ng dalawang koponan na naglaban sa kampeonato noong nakaraang conference, pinatunayan ng Road Warriors na malayo pa rin ang kalidad ng kanilang laro kumpara sa Big Chill sa pamamagitan ng 91-67 tambak na panalo kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tumipak ng 20 puntos si Ian Sangalang habang isang mintis sa pitong buslo lamang ang naitala ni Jake Pascual sa naiambag na 13 puntos at 10 rebounds para tulungan ang NLEX na sagasaan ang ikaanim na sunod na panalo.
“Lagi kong sinasabi na hindi maganda ang aming depensa sa mga nagdaang laro. Pero ngayon ay committed sila na dumepensa kaya ganito ang kinalabasan ng laban,” wika ni NLEX coach Boyet Fernandez na mayroon na ring 23 sunod na panalo mula Enero 30.
Mainit sa kabuuan ng laban ang Road Warriors at nakita ito sa ginawang 60.4 percent sa 2-point fieldgoals (32 of 53) habang ang Super Chargers ay may mahinang 20 of 61 kabuuang shooting (32.8%).
Nagpasabog naman ng career-high na 30 puntos si Carlo Lastimosa habang si Pong Escobal ay nagpakawala ng mahalagang tres upang katampukan ang 78-73 panalo ng Fruitas Shakers sa Erase Xfoliant sa unang laro.
- Latest