MANILA, Philippines - Opisyal na iluluklok uli bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC) si Jose “Peping” Cojuangco sa gaganaping eleksyon ngayong hapon sa Alabang Country Club.
Walang kalaban si Cojuangco at wala na rin ang pangambang temporary restraining order (TRO) mula sa dating katunggali na si Go Teng Kok upang matiyak na pangungunahan pa rin niya ang organisasyon hanggang 2016.
Ngunit kung magiging matiwasay ang halalan ay hindi pa tiyak lalo pa’t patuloy na umiiral ang balitang diskuwalipikasyon laban kay Manny Lopez na nais na maupo pa rin bilang 1st Vice President.
Naihayag ni Ricky Palou na kasama nina Victorico Chaves at Bro. Bernie Oca na kasapi sa 3-man election committee, na puwedeng kumandidato si Lopez kahit hindi siya ang boboto sa ABAP.
Ngunit iginigiit ng mga NSA officials na kaalyado ni Cojuangco na ihihirit nila ang maalis sa talaan ng mga kumakandidato ang dating ABAP president lalo na kung dumating ang pangulo ng NSA na si Ricky Vargas.
Ganito rin umano ang kaso nina Abraham Tolentino at Jun Galindez na mga secretary generals ng chess at golf.
Ang dalawang opisyal ay mga kasama ni Lopez sa kanyang tiket at tumatakbo sa posisyong 2nd VP at auditor.
Ang iba pang kasapi sa nasabing grupo ay sina Monico Puentevella bilang chairman, Romy Ribano bilang treasurer at sina Victor Africa, Hector Navasero at Gener Dungo bilang mga board members.
Nasa line-up ni Cojuangco sina Tom Carrasco (chairman), Jose Romasanta (1st VP), Jeff Tamayo (2nd VP), Julian Camacho (treasurer), Prospero Pichay (auditor) at Jonnie Go, Cynthia Carrion, Ernesto Echauz at Dave Carter.