MANILA, Philippines - Pakakawalan ang Philippine Road Race Championship, ang pinakahuling event ng 2012 NAMSSA Street Racing Development Program, sa Disyembre 2 sa SM City Sucat sa Parañaque City.
Ang event ay suportado ng SM City Sucat, Gold Rush Global Distribution Corporation (Repsol), Piaggio, Honda Philippines Inc. at kinikilala ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Philippine Olympic Committee (POC).
Inaasahang dadagsa ang mga top road racers mula sa Metro Manila at iba pang probinsya sa SM Sucat Parking Lot A.
Ang mga tropeo at insentibo ang naghihintay sa mga top finishers sa iba’t ibang kategorya. Ito ay ang 115 Superstock Underbone, 115 Superstock Automatic, 125 Superstock Underbone, Automatic 160, 115 Sports Production, Open 4-stroke, 150 Superstock, Piaggio Club Race, 137 Workshop, Janamarie Racing Club Race at Pocket Bikes.
Hihirangin ang magiging 2012 Philippine National Road Race Champion at Rider of the Year bukod pa sa mga national series champions ng iba pang motorcycle sports disciplines sa 2012 NAMSSA Gala Awards Ceremony sa Disyembre 19.
Sa kanilang pagkakabilang sa Federation Internationale de Motocyclisme (FIM), ang world governing body para sa motorcycle sports, idaraos ang Philippine Road Race Championship kagaya ng mga NAMSSA-sanctioned events sa ilalim ng technical at safety standards ng FIM.
Para sa impormasyon sa Philippine Road Race Championship at iba pang NAMSSA activities at events, regular na bumisita sa www.namssa.com.