MANILA, Philippines - Handa ng dumulog ang mga abogado ni Go Teng Kok sa Pasig Regional Trial Court para sa hangaring pagpapatigil sa POC Election sa Nobyembre 30 sa Alabang Country Club.
Nakuha na ng athletics president na si Go ang kopya ng desisyon ng 3-man election committee na itinatag ng POC na nagsasaad na hindi siya puwedeng tumakbo sa halalan.
Binanggit sa liham ang deklarasyon kay Go bilang isang persona non grata ng POC General Assembly dahilan upang tuluyan siyang mapaalis bilang kasapi ng samahan ang siyang nagtulak sa komite na siya’y pagbawalang sumali sa halalan.
Naunang kumatig kay Go ang Pasig Regional Trial Court na nagsabing ilegal ang aksyon ng POC dahil hindi ito dumaan sa due process. Ang desisyong ito ay sinang-ayunan ng Supreme Court dahil hindi sinipot ng mga abogado ng POC ang mga itinakdang pagdinig.
“Wala na akong magagawa kundi ang lumapit uli sa korte para kumuha ng Temporary Restraining Order (TRO). Ayaw nilang sundin ang utos ng korte,” wika ni Go.
Ngayong umaga isusumite ng mga abogado ni Go ang motion at nananalig siyang lalabas ang TRO sa Huwebes dahil walang pasok ang araw ng Biyernes bilang paggunita sa Bonifacio Day.