BANGKOK--Muling dinuplika ng dehadong Philippine Azkals ang kanilang panalo dalawang taon na ang nakararaan nang pasadsarin ang Vietnam, para buhayin ang kanilang tsansa sa group stage ng 2012 AFF Suzuki Cup kagabi sa Rajamangala Stadium dito.
Iniskor ni local booter Chieffy Caligdong ang winning goal sa pang 86th minute ng second half mula sa pasa ni Angel Guirado para sa 1-0 tagumpay ng Azkals kontra sa Vietnam.
Nauna nang ginulat ng Azkals ang Vietnam sa 2012 AFF Suzuki Cup mula sa isang 2-0 panalo
Bago ang pananaig sa Vietnam, yumukod muna ang Azkals sa bigating Thailand, 1-2, sa kanilang unang laro kung saan napatawan si German head coach Michael Weiss ng isang one-game suspension dahil sa pambabato ng bola sa isang Thai player.
Matapos naman ang panalo laban sa Vietnam, ang Myanmar ang sasagupain ng Azkals bukas ng alas-8:20 ng gabi o 9:20 ng gabi sa Maynila.
Ang Myanmar ang unang gumawa ng eksena matapos gulatin ang Vietnam, ang 2008 champions, sa isang 1-1 draw sa pagsisimula ng group stages ng 2012 AFF Suzuki Cup noong Nobyembre 24.