Perasol coach ng Ateneo

MANILA, Philippines - Sa Ateneo rin napunta si dating Air21 at Coca Cola Tigers coach Bo Pe­rasol.

Inanunsyo kahapon ni Ateneo president Fr. Jose Ramon Villarin SJ ang pagkakapili kay Perasol na siyang naunang matunog na papalit sa nagbitiw na si coach Norman Black.

“With the affirmation and support of the Search Committee, I am pleased to announce that Coach Bo shall be the Head Coach of the Ateneo Blue Eagles beginning 1 December 2012,” wika ni Fr. Villarin sa official website ng paaralan.

Si Black ay nagbitiw matapos ibigay sa Blue Eagles ang ikalimang sunod na kampeonato sa UAAP upang lumipat sa Talk N’Text sa PBA at si Perasol ang agad na binalak na kunin ng koponan.

Halos plantsado na ang usapan pero naudlot at hiniling ni Perasol na huwag na itong ituloy dahil sa pag-atras ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan bilang sponsor ng Eagles dahil sa usaping Reproductive Health at sa mining.

Pero nanumbalik ang negosasyon ng magkabilang grupo at instrumento rito si MVP na siyang kumausap kay Perasol para buhayin ang usapin.

Bukod kay Perasol, ang iba pang pangalan na pinagpilian para sa head coach ay ang mga assistant coaches ni Black na sina Sandy Arespaco­chaga at Jamike Jamarin bukod pa kay Alex Compton.

Ito ang magiging ikalawang pagkakataon na uupo si Perasol bilang coach sa UAAP dahil ang dating manlalaro ng UP ay naging mentor ng UP Integrated School noong 2003-04 season.

Show comments