Week One winalis nina Lim, Capadocia

MANILA, Philippines - Winalis nina Alberto Lim at Marian Jade Capadocia ang boys at girls’ division, ayon sa pagkakasunod, sa Week One ng Phinma International Juniors Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Iginupo ni Lim si Yusuke Takahashi ng Japan, 6-3, 6-3, habang pinadapa ni Capadocia si Gabriella Umoquit ng United States, 6-1, 6-0, para manaig sa kanilang mga dibisyon.

Sina Lim at Capadocia ay tumanggap ng 30 ITF singles points, ayon kay tournament director Wanawit Srirasa.

Si Lim ang naging pinakabatang nagwagi sa Grade Four ITF Juniors event sa edad na 13-anyos.

“The pain, hardwork and sacrifies have started to pay off, I will work harder, learn more and continue to improve myself to have a chance of winning more tournaments,” wika ni Lim, tinulungan ang Letran Squires na kunin ang tennis title sa 88th NCAA bukod pa sa pagkilala sa kanya bilang MVP sa kanyang rookie year.

Habang nagdiriwang naman si Lim sa kanyang panalo ay inihagis ni Takahashi, sumibak kay Filipino top seed Jurence Mendoza, 6-2, 4-6, 6-4, sa semis noong Sabado, ang kanyang raketa sa rub­be­rized wall dahil sa pag­kainis.

Show comments