MANILA, Philippines - Nanalo ang mga unseeded na sina Alberto Lim at Marian Jade Capadocia sa hiwalay na laro para makapasok sa finals sa Phinma International Juniors Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Nakitaan ng tibay sa kabuuan ng laro ang 13-anyos at mag-aaral ng Letran na si Lim upang kunin ang 6-1, 6-4, panalo laban kay Daniel Nolan ng Australia sa boys singles semifinals.
Kinailangan naman ng 17-anyos na si Capadocia na humabol mula sa 3-5 iskor sa second set para kumpletuhin ang 6-3, 7-5, panalo laban kay third seed Miki Kobayashi ng Japan.
“Maraming serve ako na hindi pumasok pero noong lumamang siya, ang ginawa ko ay pinagtiyagaan ko ang bawat puntos,” wika ng tubong San Jose, Antique na si Capadocia.
Ang unang titulo sa torneo matapos ang apat na taong paglalaro ay pagtatangkaan ni Capadocia laban kay Gabriella Umoquit ng USA na sinibak ang seventh seed Tamachan Momkoonthod ng Thailand, 7-6 (4) , 6-3.
Kontrolado naman ni Lim, nasa kanyang ikalimang ITF tournament sa taon, ang kabuuan ng laban at kahit na nagsikap pa na bumangon si Nolan sa second set ay hindi nagawa dahil sa husay sa serve ng batang Pinoy netter.
Makakaharap niya sa finals si fourth seed Yusuke Takahashi na sinorpresa ang top seed na si Jurence Mendoza ng Pilipinas, 6-2, 4-6, 6-4, sa larong tumagal ng dalawang oras at 40 minuto.