MANILA, Philippines - Nagbabagang laro sa second half ang naipakita ng Jose Rizal University upang pumasok na sa win column sa PBA D-League Aspirants’ sa pamamagitan ng 86-74 panalo sa Informatics kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tig-17 puntos ang kinamada nina Dexter Maiquez at Jeckster Apinian habang 11 ang ginawa ni Alex Almario para sa Heavy Bombers na nagpasabog ng 29 puntos sa huling yugto.
Sa ikatlong yugto nagsimulang gumana ang opensa ni coach Vergel Meneses upang ang 32-39 halftime iskor pabor sa Icons ay naging 57-all tabla.
Si Maiquez ang siyang bumandera sa Heavy Bombers sa second half nang kunin ang 15 puntos.
Walang naipasok na tres ang JRU matapos ang 11 buslo pero bumawi sila sa 2-point shots nang magkaroon ng 31 of 62 shooting para sa 50% performance.
“Wala kaming intensity sa first half. Akala nila magpakita lamang sila ay mananalo na sila,” wika ni Meneses.
Si Marvin Hayes ay may 15 puntos para sa Icons na nakatabla na ang Boracay Rum sa huling puwesto sa 0-4 baraha.
Ginamit naman ng Cebuana Lhuillier ang 18-0 bomba para pagningasin ang pagbangon mula sa limang puntos na pagkakalubog, 56-61, tungo sa 76-68 tagumpay sa Café France sa ikalawang laro.
Tinapos ng tropa ni coach Beaujing Acot ang labanan gamit ang 33 puntos para pantayan ang Bakers sa 2-2 karta.
Si Paul Zamar ay may 15 puntos sa huling yugto tungo sa nangungunang 17 habang si Roger Pogoy ang bumandera sa Cafe France sa 19 marka.