TACLOBAN CITY, Philippines – Humakot ng tig-9 gintong medalya ang Bacolod City at Negros Occidental sa swimming event ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012 Visayas leg kahapon dito sa Leyte Sports Development Center.
Binanderahan ng magkapatid na Kyla Isabel at Vanessa Gayle Mabus ang ratsada ng Bacolod City sa swimming pool.
Apat na ginto ang inangkin ng 14-anyos na si Kyla Isabel sa girls 14-15 400-meter freestyle, 200m butterfly, 200m freestyle at sa girls 15-under 200m freestyle relay kasama sina Vanessa Gayle, Remselle Limaco at Gwen Joy Del Carmen.
Nagbulsa naman si Vanessa Gayle ng gold sa girls 11-12 200m freestyle.
Si Limaco ay kumuha ng tatlong ginto sa girls 13-15 100m freestyle, 200m backstroke at sa relay.
Siyam na ginto rin ang kinopo ng Negros Occidental sa likod ng 12-anyos na si Dustin Marco Ong na nagtala ng apat sa boys 11-12 200m butterfly, 400m freestyle, 200m freestyle at 50m butterfly.