Aksyon sa BP Visayas Leg sisiklab ngayon 10 ginto nakataya sa athletics
MANILA, Philippines - Sampung ginto ang paglalabanan ngayon sa track and field sa pagbubukas ng POC-PSC Batang Pinoy Visayas Leg sa Leyte Sports Development Center sa Tacloban City.
Ang athletics ay isa sa 13 sports na paglalabanan sa palaro na inorganisa ng POC at PSC at tumayo bilang punong-abala ang probinsiya ng Leyte.
Mga ginto ang itataya sa 13-under at 14-15 years old sa 5000-meter, 2000m, long jump, shot put, high jump at 2000m walk.
Ang iba pang laro na bubuksan ay sa arnis, badminton, boxing, chess, taekwondo, lawn tennis, table tennis, swimming, girls softball, dancesports at weightlifting.
Maliban sa huling tatlong sports na ang tagisan ay sa national finals, ang mga gold at silver medalists sa ibang paglalabanan ang aabante sa National Finals sa Iloilo City mula Disyembre 5 hanggang 8.
Si PSC commissioner Jolly Gomez ang kumatawan sa ahensya sa opening ceremonies na dinaluhan din ng dating Leyte Governor at ngayon ay Energy Secretary Carlos Jericho Petilla.
Ang humalili kay Petilla na si Gov. Ma. Mimietta Babulaya ay nakiisa at naghatid ng welcome remarks habang dumalo rin si Vice Gov. Florante Cayunda Jr.
Nagpakita rin ng magandang palabas ang mga mag-aaral ng Eastern Visayas State University Air Force Cadets, Tacloban Angelicum, Learning Center at Leyte IDOL champion Charise Daya at runner-up Carlo Martin Igot.
- Latest