MANILA, Philippines - Dumulog na rin sa korte ang isang paksyon ng Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) upang hilingin na huwag pahintulutan ang karibal na grupo na katawanin ang asosasyon sa gaganaping POC election sa Nobyembre 30.
Si Jacinto Omila Jr. na chairman ng TATAP na pinangungunahan ni Senador Antonio Trillanes IV ang lumapit sa Manila Regional Trial Court Branch 24 para magpalabas ng Writ of Preliminary Injunction/Temporary Restraining Order sa katunggaling grupo na pinamumunuan ni Ting Ledesma.
Ang aksyon ni Omila ay base sa pagkilala na ibinibigay ng SEC sa kanilang grupo upang maging lehitimong asosasyon sa table tennis.
Ang grupo ni Ledesma naman ay may basbas ng Philippine Olympic Committee (POC).
Kasabay ng pagpapalabas ng TRO ay nais din ni Omila na ideklara ng korte na sila ang dapat na dumalo sa halalan. Tinanggap ng Korte ang nasabing reklamo noong Nobyembre 16.
Ito ang ikalawang problema sa korte na may kinalaman sa POC election.
Ang una ay nang magpalabas ang Supreme Court na kautusan na pumapanig sa desisyon ng Pasig Regional Trial Court na nagsasabing ilegal ang pagkaka-deklara bilang persona non grata ng POC General Assembly kay athletics president Go Teng Kok.
Si Go ay tumatakbo sa pampanguluhan ng POC kalaban ang nakaupong si Jose Cojuangco Jr.