MANILA, Philippines - Nagdulot ng takot sa Thai coach ang 1-0 panalo na nakuha ng Philippine Azkals sa Singapore sa huling international friendly game ng bansa bago tumulak patungong Bangkok, Thailand para sa 2012 AFF Suzuki Cup Group elimination.
Tumungo sa Cebu City si coach Winfried Schafer upang personal na suriin ang kalidad ng laro ng Azkals na kasama nila sa Group A bukod sa Vietnam at Myanmar.
“They have big and strong players similar to Palestine,” wika ni Schafer, isang Aleman sa panayam ng Goal.com.
“More importantly, they play with understanding because they have good preparation and counter-attack (abilities), Hence we have to be calm and pass accurately,” dagdag nito.
Unang laro ng Thais ang Azkals sa Nobyembre 24 kaya’t ang nalalabing araw bago magbukas ang torneo ay gagamitin ni Schafer para maging handa ang bataan sa matinding laban.
Tutulak naman ngayon patungong Bangkok ang national team at gagamitin ang maagang pagdating para magamayan ang paglalaruang pitch at ang klima sa nasabing bansa.
Bagamat paalis na ay wala pa ring naipapalabas na pangalan si coach Hans Michael Weiss patungkol sa 25 players.