Nangangalahati pa lang ang elimination round ng 2012-13 PBA Philippine Cup ay dalawang manlalaro na ang out for at least six month at puwede pa ngang out for the rest of the season depende sa progreso ng rehabilitation nila!
Nakakalungkot pero ang mga bagay na ganito ay normal sa isang contact sport na tulad ng basketball.
Ang siste’y wala namang contact na nangyari kina Dylan Ababou ng Barangay Ginebra San Miguel at Enrico Villanueva ng Barako Bull Energy Cola. Mali lang ang naging tapak nila o pagpreno buhat sa pagdi-dribble kontra sa kalaban.
Parehong nagtamo ng torn anterior cruciate ligament sina Ababou at Villanueva at kinailangang operahan ang kanilang tuhod.
Dahil dito ay matatagalan bago sila makabalik.
Hihintayin muna nilang gumaling ang operasyon at kapag puwede nang ikilos nang maayos ang kanilang tuhod ay magsisimula na sila ng rehabilitation.
Sayang naman!
Hindi na nga nakasama ng Gin Kings si Ababou sa mga unang games nila sa Philippine Cup. Nakabalik ito at maganda naman ang naging performance kontra Alaska Milk.
Pero sa sumunod na game laban sa San Mig Coffee ay biglang tumiklop si Ababou habang nagda-drive kontra James Yap.
Hindi sila nagkabanggaan. Sa halip ay mali lang ang timing o ang pagtapak ni Ababou at may narinig siyang lagutok sa kanyang tuhod. Hindi na muna siya tumayo at kinailangang tulungan siya ng mga kakampi papunta sa kanilang dugout.
Iniisip pa naman ng karamihan na magiging breakout season ito ni Ababou at malaki ang maitutulong niya upang makarating sa Finals ang Barangay Ginebra. Noon kasing nakaraang season ay hindi sila umabot sa championship round ng tatlong conferences.
Magugunitang si Ababou kasama ni Allein Maliksi ay kinuha ng Gin Kings buhat sa Barako Bull sa pamamagitan ng trade noong nakaraang taon. Kapwa rookies ang dalawang ito noon. Papasok sa season na ito, malaki ang expectations sa kanilang dalawa dahil bahagi sila ng kinabukasan ng Gin Kings.
Ngayon nga, pati si Maliksi ay injured at hindi masyadong nagagamit bagamat nakaupo naman sa bench ng Gin Kings.
Si Villanueva naman ay tila at home sa pagkakalipat niya sa Barako Bull buhat sa Gin Kings bago nagsimula ang kasalukuyang season. Balik nga siya sa pagiging ‘raging bull.” Siya ang leading rebounder ng Energy at halos double-double ang kanyang numero.
Bukod sa pagsingasing sa Barako Bull aba’y bahagi pa nga si Villanueva ng Smart Gilas Pilipinas 2.0. Naglaro siya sa dalawang torneong nilahukan ng Smart Gilas bago nagsimula ang season.
Maganda ang performance ni Villanueva at nakakasama ng loob ang nangyari sa kanyang injury. Kasi, kung kailan pataas ang kanyang performance, saka pa siya nagtamo ng kapansanan.
Kahit gumaling ang kanyang tuhod, walang katiyakan kung maibabalik niya kaagad ang kanyang magandang performance lalo’t hindi naman siya bumabata.
At siyempre, malaking kawalan sa Barako Bull si Villanueva. Nasa ikasiyam na puwesto ang Energy at ngayong hindi na nila makakasama si Villanueva, natural na mas magiging mahirap makaahon ng buhay sa hukay.