BP Visayas leg kasado na

MANILA, Philippines - Pamamahalaan ng Ley­te ang pang-lima at huling qualifying leg ng Phi­lippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012 bukas sa Leyte Sports Development Center sa Tacloban City.

Tiniyak ni Gov. Jericho Petilla ang kahandaan ng kanyang probinsya para pangasiwaan ang nasabing Visayas leg.

Kabuuang 13 sports ang nakalatag kung saan ang mga atletang may edad 15-anyos pababa at mananalo ng gold at silver medals ang makakasali sa Batang Pinoy National Finals sa Disyembre 5-9 sa Iloilo City.

Ang mga ito ay ang arnis, athletics, badminton, boxing, chess, dance­­sports, karatedo, swimming, softball, table tennis, taek­wondo, lawn tennis at weightlifting.

Ang athletics at swimming ay gagawin sa Leyte Sports Academy kasama ang lawn tennis at weightlifting, habang ang table tennis ay idaraos sa LSA Social Hall at ang badminton ay lalaruin sa LSA Badminton Hall.

Ang Leyte National High School ang hahawak sa arnis at dancesports, samantalang sa Capitol Gym isasagawa ang karatedo at taekwondo at isusulong ang chess sa Capitol Session Hall.

Ang mga naunang qua­lifying legs ay ang National Capital Region (Marikina City), Northern Luzon (Pangasinan), Southern Luzon (Mindoro Oriental) at Min­danao (Dapitan City).

Ang mga nanalo ng gold at silver medals sa mga qualifying legs ang awtomatikong mabibigyan ng slots sa National Finals kung saan ang mga mahuhusay na atleta ang mabibigyan naman ng tsansa na makasama sa national developmental pool.

 

Show comments