MANILA, Philippines - Nananalig si Azkals coach Hans Michael Weiss na darating ang mga Fil-European players upang mas lumakas ang tsansa ng Pilipinas na mapantayan ang naabot noong 2010 sa 2012 AFF Suzuki Cup sa Bangkok, Thailand.
“We can expect high quality line-up if our Fil-Europeans come and play for us,” wika ni Weiss na sariwa sa 1-0 panalo sa Singapore noong Nobyembre 15 sa Cebu City.
Sina Angel Guirado, Dennis Cagara, Jerry Lucena at Paul Mulders ay sinasabing pinayagan na ng kanilang mother teams na maglaro sa Azkals habang nilalakad pa ang estado ni goalkeepers Neil Etheridge at Roland Muller.
Kailangan ni Weiss ang tulong ng mga Fil-Europeans para tumibay ang kanilang depensa lalo pa’t ang mabigat na katunggali na Thailand at Vietnam ay magpaparada ng koponang matagal ng nagsasama-sama.
Masaya si Weiss sa ipinakita ng kanyang backline na sina Rob Geir, Ray Johnsson at Juan Luis Guirado dahil nadepensahan nila ang mga atake ng Singapore.
Ngunit dapat pa umanong palakasin ang midfield na mangyayari kung pumasok sina Lucena at Mulders.
“Lucena and Mulders will come and they will beef up our midfield. We have to be more stable and compact to deny our opponents,” dagdag ni Weiss.
Tinapyasan na ni Weiss ang naunang 35-man pool ng 10 manlalaro na siyang dadalhin sa Bangkok para sa Group Stage ng torneo.
Pero hindi niya pa pinangangalanan ang kasapi ng koponan hanggang hindi nakakausap ang mga manlalarong nawala na sa koponan.
Hindi din dapat na ikasira ng loob ng mga nawala sa line-up ang pangyayari dahil puwede pa rin silang isama lalo na kung makaabante sa semis ang bansa.
Pahinga ngayon ang koponan at tutulak ng Bangkok sa Martes. Sa hapon ay balik ensayo na sila sa Thailand upang paghandaan ang unang tagisan laban sa host country sa Nobyembre 24.
Ang Vietnam ang sunod na kalaban ng koponan sa Nobyembre 27 habang ang Myanmar ang huling laban sa Nobyembre 30.
Ang mangungunang dalawang koponan sa Group A ang aabante sa semifinals kasama ang dalawang nagdominang koponan sa Group B na sisimulan sa Disyembre 8.
Hanap ng Azkals na maulit ang pagpasok sa semifinals na nangyari noong 2010 na nakatulong para muling bumalik ang suporta ng tao sa football.