Hahatol sa Pacquiao-Marquez fight: NSAC kumuha ng bagong judges

CALGARY via PCSO, Philippines --Dahil sa malaking isyu tungkol sa mga hurado sa ikaapat na laban ng Me­xican legend na si Juan Manuel Marquez at eight-division world champion Manny Pacquiao, kumuha ng mga bagong hurado ang Nevada State Athletic Commission (NSAC) para sa laban sa Disyembre 8.

Sina Adelaide Byrd ng Las Vegas, Steve Weisfeld ng New Jersey at John Keane ng Great Britain ang magiging mga hurado sa Pacquiao-Marquez IV.

Walang titulong nakataya sa labang ito sa MGM Grand sa Las Vegas.

Unang naglaban ang Mexican counter-puncher at ang Filipino boxing superstar noong 2004 sa MGM Grand.

Tatlong beses bumagsak si Marquez sa unang round, ngunit tinapos niya ang laban na binigyan ng draw.

Apat na taon pagkatapos, isang  beses namang napatumba ni Pacquiao si Marquez at nagresulta ito sa split decision at noong nakaraang taon lamang ay nanalong muli si ‘Pacman’ sa pamamagitan ng kontrobersiyal na majority decision. 

Patuloy na naniniwala si Marquez na tatlong beses na siyang nanakawan ng tagumpay.

Sa pagkakataong ito, nangako ang Mexican counter-puncher na tatapusin ang laban sa pamamgitan ng stoppage, at hindi na umano niya ipapaubaya sa mga hurado ang desisyon sa labang ito.

Sina Robert Hoyle, Dave Moretti at Glenn Trow­bridge ay bahagi ng mga hurado sa dalawang laban.

Hurado si Moretti sa apat sa limang huling laban ni Pacquiao, at maging sa labang Marquez-Mayweather kung saan natalo ang Mehikano.

Ibinigay ni Moretti ang laban kay Mayweather (119-108) at kay Pacquiao laban kay Shane Mosley (120-108), Miguel Cotto (108-100) at Oscar De La Hoya (80-71). Panalo din si Pacquiao laban kay Mosley para kay Trowbridge (119-108).

Show comments