MANILA, Philippines - Itinakda na ang rematch nina Filipino boxer Edrin Dapudong at South African fighter Gideon Buthelezi sa Pebrero 16 kahit hindi pa naisasagawa ang video tape review ng International Boxing Organization (IBO).
Naselyuhan ito matapos pumayag ang Golden Gloves Promotions ng South Africa na gawin ang rematch.
Pinaglabanan ng dalawa ang bakanteng IBO super flyweight division at nanalo si Buthelezi via split desisyon kahit putok ang kanyang mukha at bumagsak pa sa ninth round.
Inireklamo ni dating North Cotabato Governor Manny Piñol ang pangyayari at tinukoy si US judge Michael Pernick na siyang may sala sa pagkatalo ni Dapudong.
Si Shona Mac Taggart, ang events organizer ng Golden Gloves Promotions, ang lumiham kay Piñol, ang manager ni Dapudong, para sabihing payag sila sa rematch.
“I am in receipt of your letter to IBO and we have no objection whatsoever to a rematch with Edrin and Gideon. It was a very good bout and could have gone either way,” wika ni Shona sa kanyang liham.