MANILA, Philippines - Muling tatangkain ng Tropang Texters na masungkit ang inaasam na unang tiket sa quarterfinal round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup.
Sasagupain ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang sister team na Meralco ngayong alas-7:20 ng gabi sa Yñares Center sa Antipolo City.
Sa unang laro sa alas-5:15 ng hapon ay makakatapat naman ng San Mig Coffee ang Barako Bull na itatampok ang bagong head coach na si Bong Ramos.
Nadiskaril ang pag-angkin ng Tropang Texters sa unang quarterfinals seat nang matalo sa Barangay Ginebra San Miguel Gin Kings, 101-104, noong Linggo sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa kabila nito, bitbit pa rin ng Talk ‘N Text ang liderato mula sa kanilang 7-2 record kasunod ang San Mig Coffee (6-2), Rain or Shine (6-3), Meralco (5-3), Alaska (5-5), Ginebra (4-5), Air21 (4-5), Petron Blaze (4-6), Barako Bull (3-6) at Globalport (1-8).
Nilusutan ng Talk ‘N Text ang Meralco sa overtime, 112-110, sa una nilang pagkikita noong Oktubre 5.
Samantala, isang four-game day suspension ang ipinataw ni PBA Commissioner Chito Salud kay referee Jimmy Mariano nang hindi nito tawagan ang paghampas ni Rob Reyes ng Air21 sa mukha ni Alaska rookie Calvin Abueva sa kanilang agawan sa bola sa fourth quarter sa laro nila nong Miyerkules kung saan nagwagi ang Express, 104-103.