MANILA, Philippines - Makikita kung nasaan na ang preparasyon ng Philippine Azkals para sa 2012 AFF Suzuki Cup ay malalaman sa gabing ito sa pagharap sa international friendly game laban sa Singapore na gagawin sa Cebu City Sports Center.
May 25 manlalaro sa pangunguna ng magkapatid na sina Phil at James Younghusband at team captain Chieffy Caligdong ang tinapik para sa larong ito na magsisimula sa ganap na alas-7 ng gabi at mapapanood din ng live sa Studio 23.
Noong Setyembre 7 ay tinalo ng Azkals ang Lions sa Singapore, 2-0, para tapusin ang dalawang dekadang dominasyon ng bisitang koponan.
Paborito ang Azkals dahil suportado sila ng mga manonood pero para kay coach Hans Michael Weiss, mas gusto niyang makita ang mental preparation ng kanyang bataan.
“Singapore is a strong team and I want to see how mentally prepared they are, how they will stand to pressure,” wika ni Weiss sa isinagawang press conference kahapon sa Victoria Hall sa Cebu Parklane.
Wala ang pambatong goal keeper na si Neil Etheridge sa line-up pero pupunuan ni Ed Sacapano ang puwestong ito habang ang iba pang aasahan ay sina Ian Araneta, Patrick Reichelt, Ray Johsson, Chris Greatwich at Denis Wolf na siyang binigyan ng Golden Boot Award nang dominahin ng Azkals ang Peace Cup.
Ang Singapore ay kinatawan ng kanilang coach na si Avramovic Rodojko na nais namang bigyan ng magandang laban ang mga taong magsisiksikan sa venue para mapanood ang tagisan.
Matapos ang larong ito ay magpapahinga ng ilang araw ang Azkals bago lumipad patungong Bangkok, Thailand mula Nobyembre 19 at 20 para sa Suzuki Cup na bubuksan sa Nobyembre 24.