Wan-tu-sawa

Kumbaga sa fiesta o sa isang handaan, eat-all-you-can ang hinaharap ng Pinoy boxing fans sa mga da­rating na linggo.

Sunud-sunod na laban ang ihahain sa kanila at ito ay pangungunahan ni Manny Pacquiao, Nonito Do­naire, Jr. at Brian Viloria.

Tiyak na mabubusog sila sa maaanghang na mga pu­tahing ito.

Sisimulan ni Viloria ang parada sa Linggo kung sa­an haharapin niya si Hernan ‘Tyson’ Marquez ng Mexico sa Los Angeles Sports Arena.

Si Viloria ang WBO flyweight champion at si Tyson na­man ang may tangan ng WBA title.

Magandang laban ito huwag lang sana mauwi sa kagatan ng tenga.

Sa undercard ng labanang ito, rarampa din si Drian Francisco na itatapat sa isa pang Mexican boxer na si Javier Gallo.

Malaki ang tsansa ni Francisco sa labang ito.

Kung mananalo si Drian, maaari siyang maharap sa isang world title shot sa 2013.

Sa Dec. 8 naman sa MGM Grand sa Las Vegas ay muling aakyat sa boxing ring ang ating ipinagmamalaki na si Pacquiao para sa isa na namang laban kay Juan Manuel Maquez.

Kung sawa na ang iba sa labanang ito, ako’y hindi.

Mas gusto ko itong panoorin paulit-ulit man dahil ga­rantisadong bakbakan. Kesa naman sa isang laban na aantukin ka lang.

Sa gabing ito sa Las Vegas, lalaban din and unde­feated na Pinoy boxer na si Mercito ‘No Mercy’ Gesta kontra kay Miguel ‘Titere’ Vasquez.

Panoorin ninyo si Gesta. May kinabukasan ang ba­­tang ito.

At sa Dec. 15 naman sa Toyota Center sa Houston, Te­xas ay si Donaire ang sasampa sa ring para depensahan ang kanyang WBO super bantamweight title laban kay Jorge Arce ng Mexico.

Hindi siguro malalayo ang bakbakang Donaire vs Arce sa bakbakang Pacquiao vs Marquez.

Dalawang Pinoy laban sa dalawang Mexicano.

Siguradong madugo ang magiging laban nila dahil pare-pareho sila ng style sa loob ng ring.

Patay kung patay.

Show comments