MANILA, Philippines - Inaasinta ng kampo ni Drian Francisco ang bagong WBO bantamweight champion na si Pungluang Sor Singyu ng Thailand para matupad ang pangarap na makita ang nasabing boksingero na makahawak ng lehitimong world title.
Si Singyu ay nanalo kay AJ Banal para sa bakanteng titulo noong Oktubre 20 sa SM Mall of Asia sa Pasay City at sa plano na inilalatag ng Saved By The Bell Promotions, nais nilang ibalik ang Thai champion sa bansa para dito gawin ang laban nila ni Francisco.
“Si Drian ay 30 years old na at bago siya nag-boxing ay tinapos muna niya ang college. Kaya ginagawa namin lahat ng pamamaraan para makita siya na maging isang world champion,” wika ni promoter Elmer Anuran nang bumisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Pero ang lahat ng plano ay nakadepende sa ipakikita ni Francisco sa laban kontra kay Javier Gallo ng Mexico sa Linggo sa Sports Arena sa Los Angeles, California, USA.
Ang bakbakan ay undercard sa unification fight nina Fil-Hawaian Brian Viloria at Hernan Marquez ng Mexico para sa WBO-WBA flyweight titles.
Naunang napaulat na si WBA super bantamweight champion Guillermo Rigondeaux ang makakalaban ni Francisco pero hindi ito natuloy dahil sinasabing hindi pumayag ang HBO na siyang magpapalabas ng fight card.
“Kung manalo siya laban kay Gallo, maraming magbubukas na oportunidad para kay Drian dahil tataas ang kanyang rating,” dagdag ni Anuran.
Si Francisco ay mayroong ring record na 23 panalo sa 25 laban kasama ang 18 KOs.