TOKYO - Tuluyan nang nagretiro si dating World Boxing Council super bantamweight champion Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka.
Inihayag ni Nishioka ang kanyang pagreretiro halos isang buwan matapos siyang pigilin ni unified world super bantamweight king Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa Home Depot Center sa Carson, California.
“I have done what I should do. I am fully satisfied with my boxing career,” wika ng 36-anyos na Japanese superstar sa isang news conference kahapon sa Tokyo.
“I have experienced excitement many times through 18 years as a pro boxer,” dagdag pa nito na may 39-5-3 win-loss-draw ring record kasama ang 24 knockouts.
Unang nakita sa professional boxing si Nishioka noong 1994 at hinirang na WBC super bantamweight champion noong 2008.
Matapos ang matagumpay na pagdedepensa sa kanyang korona sa pang pitong sunod na pagkakataon, kinilala siya bilang “Emeritus Champion” ng WBC division noong Marso 15.
Matapos ito ay binakante niya ang naturang WBC title at inangkin naman ni Mexican Abner Mares.
Sa kanilang super bantamweight title unification fight noong Oktubre 13, tinalo ni Donaire, ang kasalukuyang may suot ng IBF at WBO titles, si Nishioka sa ninth round.