Magaling pa rin pala si Mike Cortez!
Malamang na ganito ang naisip ng mga fans ng Barangay Ginebra matapos na mapanood ang performance ng manlalarong tinaguriang “Cool Cat” sa kanyang unang laro sa Air21 Express matapos na maipamigay ng Gin Kings.
Dahil sa beteranong point guard siya, hindi na kinailangan ni Cortez ng mahabang getting-to-know-you period sa kanyang bagong team. Kahit na dalawang araw lang siyang nakipag-ensayo bago sumabak sa laro kontra sa Barako Bull noong Biyernes ay matindi ang mga numerong naitala niya.
Si Cortez ay gumawa ng 24 puntos, anim na rebounds, anim na assists at limang steals sa 24 minuto. Nagwagi ang Express kontra Barako Bull, 86-85 para sa ikalawang sunod na panalo sa 2012-13 PBA Philipine Cup. Ito ang unang pagkakataon ni coach Franz Pumaren na magkaroon ng back-to-back na panalo sa PBA buhat nang hawakan ang Air21 (dating kilala bilang Shopinas.com).
Malaking improvement, ‘ika nga.
At ang accomplishment na ito ay nangyari matapos ngang makuha si Cortez buhat sa Gin Kings kapalit ng rookie center na si Yousef Taha.
Sa totoo lang, matagal na rin namang sinabi ni Pumaren sa mga sportswriters na hangad niyang makakuha ng isa pang matinding point guard.
At si Cortez pala iyon.
Hindi naman bago kay Pumaren si Cortez dahil dati na silang magkasama sa Dela Salle Greeen Archers.
Naging ‘expendable’ si Cortez sa kampo ng Gin Kings matapos na makuha nito si LA Tenorio.
Pero siyempre, ngayong nakalipat si Cortez at nakita ng lahat kung ano pa ang puwede niyang gawin, aba’y natural na mapanganga ang mga fans ng Barangay Ginebra.
Bakit hindi niya ginagawa iyon sa Barangay Ginebra? E, puwede pa pala niyang gawin iyon!
Kasi, kung ginagawa niya ang ganoon sa Barangay Ginebra, e di sana hindi na hinangad ng Gin Kings na makuha si Tenorio. Kaya naman pala ni Cortez na balikatin ang point guard chores sa Gin Kings, e.
Hindi lang kasi naitoka sa kanya ng buong-buo ang trabahong iyon dahil sa ang main point guard ng Barangay Ginebra dati ay si Jayjay Helterbrand. Kumbaga’y parang supporting cast lang ang papel ni Cortez.
Pamisan-minsan ay magbibida siya. Pero kadalasan ang spootlight ay nakatutok kay Helterbrand. After all, dating Most Valuable Player si Helterbrand at tama lang ang tratong iyon.
Pero kung naibigay kay Cortez ang katungkulan nang buong-buo, puwedeng naibigay din niya sa Barangay Ginebra ang magagandang numero. E, dumating pa nga si Tenorio. Kaya lalong nawala sa eksena si Cortez. Lalong numipis ang kanyang playing time. At naging okay para sa Gin Kings na ipamigay siya.
One team’s loss is another team’s gain.
Laking pasalamat ng Air21 na makuha si Cortez. At kahit na sosyo sina Cortez at Wynne Arboleda sa pagiging point guard, puwedeng magbida ang Cool Cat. Hindi iyon mamasamain ni Arboleda as long as magwagi ang koponan ng kanyang biyenan.
Iyon ang mahalaga!
***
HAPPY birthday kay Rhea Navarro na nagdiriwang ngayong November 12. Gayundin kina Kevin Alas at Cedelf Tupas (Nov. 13), Nelson Beltran at Chiquit Jopillo (Nov. 15).
- Latest