MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang paglahok nina Maika Jae Tanpoco at Alberto Lim Jr. sa ginanap na Singapore ITF Junior Tennis Championships nang manalo sila ng ginto sa girls’ singles at boy’s doubles na nilaro sa Kalang Tennis Stadium sa Singapore.
Kahapon natapos ang Grade 5 tournament at ang 17-anyos na si Tanpoco, na second seed sa torneo, ay nanalo laban kay third seed Efriliya Herlina ng India, 2-6, 6-4, 6-3.
Ito ang unang panalo ni Tanpoco sapul nang sumali sa World junior tour ilang taon na ang nakalipas at nakuha niya ito dahil sa ipinakitang tibay ng dibdib matapos ang pagbangon mula sa pagkabigo sa first set.
Sa kabuuan ay hindi natalo si Tanpoco sa singles at naunang umukit ng mga panalo laban kina Angeline Devi Devanthiran ng Singapore (6-1, 6-0), Yada Vasupongchai ng Thailand (6-3, 6-1), Saya Usui ng Japan (6-0, 6-3) at Nilar Win ng Myanmar (7-5, 6-4).
Naunang kuminang ang 13-anyos na si Lim nang nagbunga ang tambalan nila ni Rohan Kamdar ng Singapore na hiniya sina Lee Li-lun at Lin Kuan-chen ng Chinese Taipei sa finals, 6-4, 2-6, 10-8.
Lumabas ang magandang tambalan nina Lim at Kamdar sa super tie break upang matikman ng Filipino netter ang kauna-unahang panalo sa ITF.
Unang pinagpahinga nina Lim at Kamdar sina Liu Shao-fan at Shen Jia-hong ng Taipei, 6-3, 6-2, bago sumunod ang walkover win kina second seed Makoto Ochi ng Japan at Garry Tokas ng India sa quarterfinals.
May 6-2, 6-3, panalo ang unseeded team laban sa third seed na sina Leo Julien Sebaoun ng Japan at Colin Wei Ming Wong ng Malaysia sa semis.