Orcollo nakasingit na sa no. 2 sa WPA ranking

MANILA, Philippines - Malaki pa ang laban ni 2011 WPA World Pool Player of the Year Dennis Orcollo na mapanatiling hawak ang titulo sa taong ito.

Sinasandalan ang pagkapanalo sa China Open at ang pagsegundo sa US Open 9-Ball Championship, ang 33-anyos na si Orcollo ay nakalikom na ng 1,620 puntos matapos ang limang torneo na may basbas ng World Pool-Billiards Associatoin (WPA).

Sa talaang ipinalabas ng international federation noong Nobyembre 6, umangat si Orcollo ng tat­long baytang mula sa da­ting panlimang puwesto matapos makakuha ng pi­nagsamang 930 puntos (600 sa China Open at 330 sa US Open) sa dalawang malaki at prestihiyosong torneo.

Kapos lamang ang tubong Surigao ng 61 puntos sa nangungunang si Chang Jung Lin ng Chinese Taipei na may 1681.

Ang dating nasa una-han na si Darren Appleton ng England at kampeon sa World 9-Ball Open ay nalag­lag sa ikatlong puwesto sa 1584 habang ang dating World Junior Champion ng Taipei na si Ko Pin-Yi at Chinese pool wizard Li He-wen ang nasa ikaapat at limang puwesto sa 1535 at 1489.

Si Orcollo lamang ang Pinoy na nasa top ten sa talaan dahil si Lee Van Corteza ay nasa ika-14th puwesto taglay ang 929 at si Roberto “Superman” Gomez ay nasa ika-20th puwesto sa 695.

Ang sunod na WPA event ay ang All Japan Championship mula Nob­yem­bre 11 hanggang 18 at  ito na ang magdedeklara kung sino ang hihirangin bilang Player of the Year sa bilyar.

Sa hanay ng mga ka­babaihan, si multi-gold me­dalist sa SEA Games Rubilen Amit  ang pambato pa rin ng Pilipinas bagamat nasa ika-19th puwesto sa 612 puntos.

Apat na events sa wo­men’s ang binasbasan ng WPA at si double-gold me­dal winner sa 2011 SEAG  Iris Ranola ay nasa ika-25th puwesto sa 503 puntos at ang batang si Cheska Centeno ay nasa No. 47th  sa 177 puntos.

 

Show comments