MANILA, Philippines - Tapos na ang problema kina Phil at James Younghusband at sa management ng Azkals patungkol sa kanilang pagsali sa AFF Suzuki Cup na gagawin sa Bangkok, Thailand sa Nobyembre 24 hanggang 30.
Nagkausap na ang magkapatid at si team manager Dan Palami at coach Hans Michael Weiss at malinaw na ang dating problema na muntik nagresulta sa kanilang pagkasibak sa Pambansang koponan.
“We’ve already spoken to boss Dan (Palami) and coach (Michael) Weiss. Me and James will make sure we communicate on even more detailed level as communication is important,” ani Phil na isa sa pambato ng Azkals.
Naunang nagkaproblema ang magkapatid dahil hindi nila maibigay ang full-time commitment sa pagsasanay sa Pambansang koponan dahilan upang hindi sila naisama sa 1st Philippine Peace Cup na dinomina ng Azkals.
Ang Pilipinas ay magbabalak na maduplika ang naipakita noong 2010 Suzuki Cup nang nakapasok sila sa semifinals.